LEGAZPI CITY- Kinondena ng Election watchdog ang anomalya sa Korean firm na nag-aapply na maging supplier ng mga bagong makina na gagamitin para sa 2025 elections sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kontra Daya Spokesperson Maded Batara, mas maanomalya pa kumpara sa Smartmatic ang provider na nasa bidding ngayon para sa nasabing mga election machines.

Una na umanong naakosahan ang Korean firm na Miru ng pandadaya sa naging eleksyon sa bansang Iraq at Congo.

Pinaiimbestigahan rin ng grupo kung mayroong local backers ang Miru na nasa kasalukuyang administrasyon kaya mabilis na nakapasok ang kompanya sa Pilipinas kahit pa may bahid na ng anomalya.

Nanawagan si Batara sa Commission on Elections na tiyakin na magiging malinis ang eleksyon at hindi mababahiran ng anuman na klase ng dayaan.

Dagdag pa nito na dapat na mabigyan rin ng tsansa ang mga local providers na maaari naman na magbigay ng sariling bersyon ng election system.