LEGAZPI CITY- Aminado ang isang election watchdog na malaking pag-aaksaya sa pera at panahon ang pagre-reprint ng balota ng Commission on Elections dahil sa desisyon ng Korte Suprema na pagbaliktad sa pasya ng komisyon hinggil sa mga nadiskwalipika na kandidato.

Ayon kay Kontra Daya Convenor Danilo Arao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tinatayang nasa P130 million hanggang P150 million ang nasayang sa unang 6 million na mga waste ballots.

Dahil dito ay humirit ng dagdag na pondo ang poll body upang ma-augment sa mga nasayang na balota.

Hindi rin aniya masisisi ang Korte Suprema sa naturang insidente dahil mayroon din itong sariling timeframe at case backlog kaya hindi agad naaksyunan ang petisyon ng ilang mga kandidato.

Kaugnay nito ay nagsuhestyon ang opisyal na ikonsidera ng Commission on Elections ang manual voting at manual counting o ang hybrid election.

Sa pamamagitan nito ay mas mababawasan umano ang pagkasayang sa pondo ng pamahalaan lalo pa kung mauulit pa ang pag-reset ng printing ng mga balota kung mapagbibigyan ang petisyon ng ilan pang mga aspirante na na-diskwalipika sa pagtakbo sa ilang posisyon.