LEGAZPI CITY- Tinawag ng isang election watchdog na panahon para sa repleksyon ang 60 araw na suspensyon ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga.
Ito ay kasunod ng pasya ng House Ethics Committee dahil sa umanoy hindi angkop na pag-uugali sa ilang social media posts ng mambabatas.
Ayon kay Kontra Daya Convenor Danilo Arao sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na aral ito sa mga opisyal na dapat ikonsidera pa rin ang kanilang mga aksyon.
Sa kabila nito ay dapat umanong bigyang linaw ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kung magkakaroon rin ng suspensyon sa budget allocation sa distrito nito sa Cavite at kung paano ang magiging proseso ng magiging caretaker ng naturang pwesto.
Samantala, sinabi ni Arao na kung ang social media posts ang pinagbasehan sa suspensyon ni Barzaga ay dapat na bantayan rin ang social media activity ng iba pang mga mambabatas na nagpapakita rin ng hindi magandang pag-uugali.
Aniya, maraming mga kongresista ang kwestyonable ang mga pananalita at aktibidad sa social media na dapat ring mapatawan ng kaukulang aksyon.











