LEGAZPI CITY – Asahan na umano ang ilan pang maliliit na pagyanig sa bahagi ng Camarines Sur, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Paliwanag ni PHIVOLCS Director Usec. Renato Solidum, earthquake swarm ang nangyayari ngayon sa naturang lugar kung saan nakakapagtala ng serye ng maliliit na lindol.
Hanggang hindi umano nauubos na mailabas ang enerhiya sa aktibong fault, magpapatuloy ang swarms o paunti-unting pag-alog.
Matatandaang nagpasimula ito sa moderate-sized earthquake noong gabi ng Oktubre 14 at nasa apat na araw na rin ang swarms.
Sinabi pa ni Solidum sa Bombo Radyo Legazpi na karaniwan nang nangyayari ang earthquake swarms lalo pa’t nasa Pacific Ring of Fire ang Pilipinas.
Kahit pa madalas na hindi humahantong sa isang malakas na pagyanig, abiso pa rin ni Solidum ang pagiging alerto lalo pa’t hindi inaalis ang nasabing posibilidad.
Batay aniya sa kasaysayan ng lugar, nasa 1800s pa naitala ang isang malakas na lindol sa Camarines area.