LEGAZPI CITY- Itinuturing na napapanahon ang pagsasagawa ng blood letting activity ng Bombo Radyo Philippines na binansagang ‘Dugong Bombo’ dahil sa naitatalang kakulangan ng suplay ng dugo ngayong lean months.
Matatandaan na ang Dugong Bombo ay itinuturing na pinaka madugong blood letting activity na isinasagawa simultaneously sa mga lugar na may Bombo Radyo at Star FM stations taun-taon, at muling nakatakdang isagawa sa Nobyembre 16.
Ayon kay Department of Health Bicol Donor Recruitment Officer Nicole Anne Bejo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na karaniwang lean season ng donors ng dugo tuwing una at huling quarter ng taon.
Aniya, ang programang ito ng network ay malaking tulong upang mapunuan ang kakulangan ng suplay ng dugo lalo na ngayon na magkakasunod ang kalamidad na tumatama sa bansa.
Paliwanag ni Bejo na sa tuwing may mga kalamidad ay dumarami rin ang mga nangangailangan ng blood transfusion dahil iba’t ibang mga karamdaman.
Matatandaan na noon lamang na pananalasa ng bagyong Kristine ay maraming mga pasyente ang nangailangan ng suplay ng dugo sa rehiyong Bicol.
Kaugnay nito ay hinikayat ng opisyal ang publiko na makiisa sa Dugong Bombo 2024, lalo pa at ang isang donor umano ay kayang makapagsalba ng tatlo hanggang limang pasyente.