LEGAZPI CITY – Nananawagan ngayon ang Department of Trade and Industry (DTI) Bicol sa publiko na iwasan ang panic buying ng mga face masks.
Ito ay matapos na makatanggap ng mga report sa naobserbahang sitwasyon partikular na sa Albay, kasunod ng isang kumpirmadong kaso ng 2019 novel coronavirus sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DTI Bicol information officer Jocelyn Berango, payo nito sa mga kababayan na bilhin lamang kung ano ang kinakaikangan upang mabigyan ng pagkakataon ang iba na makabili rin.
Nagkakaubusan na umano ng face masks sa maraming botika at tindahan sa lungsod ng Legazpi.
Ayon pa kay Berango na kung wala nang mabiling face mask, maari umanong mag-improvise sa pamamagitan ng pagtatahi ng magagamit na pantakip sa bibig at ilong.
Nangako naman ang opisyal na mananatili ang monitoring at pagbabantay sa presyo ng mga face masks sa merkado at mga botika.