LEGAZPI CITY- Nanawagan ang Department of Trade and Industry sa mga negosyante na sumunod sa ibinibigay na 5% special discount para sa mga senior citizens at persons with disabilities.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rhona Panganiban ang Development Specialist ng Department of Trade and Industry Bicol, matagal ng nagbibigay ng 5% discount ang gobyerno para sa mga basic necessities and commodities subalit tinaasan na ito ngayon dahil sa inflation.
Mula sa dating P1,300, ginawa ng P2,500 ang limit sa bawat linggo kung kaya mas madaming produkto na may diskwento ang mabibili ng mga benipisyaryo.
Upang makapag-avail nito, kailangan lamang na dalhin ng senior citizens, persons with disabilities o kanilang kaanak ang identification card at booklet kung saan inililista kung ilan na ang nakonsumong discount.
Kasama sa mga produktong maaring paggamitan ng special discount ay ang mga produktong pang-agrikultura kagaya ng bigas, gulay at prutas; liquefied petroleum gas, de lata, gatas, kape, tinapay, sabong panlaba at iba pa.
Nilinaw naman ni Panganiban na maliban pa ang 5% special discount sa 20% na diskwentong ibinigay ng gobyerno para sa senior citizens at persons with disabilities.