LEGAZPI CITY- Matumal pa ang bentahan ng mga bulaklak at kandila ilang linggo bago ang Undas.
Ayon kay Department of Trade and Industry Bicol Consumers Protection Head Ruben Sombon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na inaasahan ng tanggapan na dadagsa ang mga mamimili ng naturang mga produkto tatlong araw bago ang Undas.
Sa kabila nito ay sinabi ng opisyal na patuloy na naka monitor ang ahensya sa presyuhan ng kandila at bulaklak upang masigurong nananatiling pasok sa suggested retail price ang presyo nito.
Aminado ang tanggapan na batay sa monitoring ay nagkakaroon ng paggalaw sa presyuhan ng naturang mga produkto tuwing Undas upang makabawi naman ang mga nagtitinda sa kita kasabay ng mataas na demand.
Kaugnay nito ay inabisuhan ni Sombon ang publiko na maging wais sa pagbili.
Samantala, kumpiyansa naman ang opisyal na magiging sapat ang suplay ng naturang mga produkto kaugnay ng papalapit na okasyon.