LEGAZPI CITY- Mahigpit na binabantayan ngayon ng mga kinauukulan ang supply ng basic necessities sa lalawigan ng Masbate matapos ang iniwang pinsala ng bagyong Opong.
Matatandaan na nagpatupad na ng price freeze sa lalawigan matapos ang idineklarang state of calamity.
Ayon kay Department of Trade and Industry Bicol Consumers Protection head Ruben Sombon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na kinakailangang panatilihin ang presyo ng pangunahing mga bilihin sa loob ng 60 araw at hindi maaaring magtaas ng presyo.
Kabilang sa mga binabantayan ang presyo ng mga delata, kape, noodles, tubig, bigas at iba pa.
Paliwanag ng opisyal na batay sa kanilang supply monitoring bago ang naturang sama ng panahon ay tinatayang tatagal ng hanggang 30 araw ang supply ng mga pangunahing bilihin sa Masbate subalit inaasahan na bababa ito dahil sa maramihang pagbili ng mga lokal na pamahalaan.
Samantala, nabatid na nagpadala na rin ang tanggapan ng augmentation team sa lalawigan upang makatulong sa isinasagawang price monitoring.