LEGAZPI CITY—Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development na magpapatuloy sila sa pamamahagi ng tulong sa mga apektadong residente dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.


Ayon sa naging pahayag ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, na nagsimula na sila sa pamamahagi ng mga food packs at ready to eat food boxes, gayundin na handa aniya ang ahensya na dagdagan pa ang pamamahagi ng non-food items kagaya ng modular tents at iba pa para sa mga residenteng nananatili sa mga evacuation centers.


Dagdag ng kalihim na titiyakin nilang matulungan ang mga apektadong magsasaka—kung saan ang displaced livelihood ay mapapalitan ng cash for work na programa ng kanilang ahensya.


Aniya na kung itataas sa Alert Level 4 ang naturang bulkan ay handa rin ang pambansang pamahalaan ng tulungan ang lalawigan ng Albay at mga local government units nito.


Samantala, umabot na sa mahigit 981 na mga pamilya o mahigit 3,592 na indibidwal na ang nailikas sa iba’t ibang munisipalidad dahil sa banta ng pag-alboroto ng naturang bulkan.