LEGAZPI CITY – Binisita ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang lalawigan ng Albay na kasalukuyang nasa State of Calamity dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Unang pinuntahan ng kalihim ang Anislag Evacuation Center sa Daraga, Albay kung saan namigay ito ng mga family food packs sa mga evacuees.

Nagkaroon din ito ng meeting kasama si AKO Bicol partylist Representative Jil Bongalon, DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio at ilang opisyal ng ahensya upang pag-usapan ang mga gagawing hakbang para sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente.

Matapos ito ay humarap sa mga miyembro ng media ang opisyal kasama si Albay Governor Grex Lagman sa isinagawa namang Press Briefing and Consultation Meeting sa Governor’s Guesthouse sa Em’s Bario, Legazpi City kung saan nanawagan si Gatchalian sa mga ahensya ng gobyerno at alkalde ng mga apektadong lugar na magtulungan upang maging epektibo ang pagbibigay ng serbisyo sa mga residente.

Tiniyak naman nito ang buong suporta ng Department of Social Welfare and Development sa mga Albayano ngayong nagpapatuloy pa rin ang abnormalidad ng bulkan.

Ngayong hapon nakatakda naman na bumisita aang DSWD secretary sa evacuaton center at Provincial Engineering Office warehouse sa Camalig.

Samantala base sa naging montoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nagkaroon ng isang volcanic earthquake habang bumaba naman ang bilang ng mga naitalang rockfall events sa 59 na lamang mula sa halos 200 noong kahapon.