LEGAZPI CITY- Nakahanda na ang nasa 20,000 na family food packs na hinighingi ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon para sa mga residenteng apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Bulusan.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na mahigpit ang naging bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga apektadong residente.
Sa personal na pagbisita ng kalihim sa lalawigan, pinuri nito ang umano’y mabilis na pag-respunde ng mga lokal na opisyal.
Aniya sa buong termino niya bilang kalihim ng tanggapan ay nakapagrespunde na sila sa apat na mga volcanic eruption sa bansa at ang pagkilos ng Sorsogon provincial government umano ang mayroong ‘fastest clean up efforts.’
Paliwanag nito na sa loob lamang ng ilang oras ay nakapagsagawa na ng clearing operations maging sa mga tahanan ng mga residente.
Ikinatuwa rin ni Secretary Gatchalian ang mabilis na distribusyon ng facemask sa publiko.
Dagdag pa nito na naipaabot na niya kay Pangulong Marcos ang ulat sa organized at efficient disaster plan ng pamahalaang panlalawigan at ng mga lokal na pamahalaan sa Sorsogon.