LEGAZPI CITY-Ikinatuwa ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang pagiging well-equipped ng evacuation center sa Tabaco City, Albay dahil sa kumpleto ito sa pangangailangan ng mga evacuees.

Ayon kay Albay 1st District Representative Congresswoman Krisel Lagman-Luistro sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na sa kanilang personal na pagbisita, ikinatuwa ng kalihim ang pagkakaroon ng extended evacuation area sa Tabaco City kung saan mayroon itong mga couple rooms, prayer rooms, breast feeding area, maging mga temporary learning centers para naman sa mga kabataan.

Sinabi rin ng mambabatas na magagamit ito hindi lamang para sa mga active volcano evacuees, maging sa iba pang mga kalamidad dahil sa may isa o dalawang linggo silang nananatili rito.

Kasabay rin umano ito sa mga ‘non-food support’ para sa mga evacuees katulad ng mental health program na kinakailangan para sa isang evacuation center.

Sa paggamit umano nito, ay kinakailangan mag-log book at dapat ay legally married o live in partners kung saan mayroong mga libreng commodities na makakatulong para sa kanila.

Subalit, sinabi ng opisyal na kadalasan ay hindi rin umano ito nagagamit dahil sa likas na mahiyain ang mga Pilipino.