LEGAZPI CITY – Pinaalalahaanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasangla ng cash cards.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio, kinumpirma nito na may mga miyembro na ng programa ang kanilang pinaiimbestigahan dahil sa mga report ng pagsasangla ng cash cards.
Ayon kay Laurio, mahigpit itong ipinagbabawal ng ahensya dahil hindi naman pagmamay-ari ng benipisyaryo ang cash cards na ipinahihiram lamang ng gobyerno.
Sino man na mahuhuling nagsasangla ng kanilang card ay mabibigyan muna ng warning sa first offense, sa second offense ay pwede ng masuspendi sa programa sa loob ng isang buwan habang permanente ng matatanggal 4Ps sa 3rd offense.
Ayon pa sa opisyal, mayroon na ngayong 1,000 na mga reklamo ang natanggap ng kanilang opisina kung saan ilan sa mga ito ay nasuspendi na habang ang iba ay tuloyan ng natanggal sa listahan ng mga benipisyaryo.
Panawagan ni Laurio na sumunod sa patakaran na layunin lamang na matiyak na sa mga mahihirap na Pilipino lamang mapupunta an pondong inilalaan ng gobyerno.