LEGAZPI CITY—Patuloy na namamahagi ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng naapektuhan ng pagputok ng bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio, , sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, pumalo na sa P14 milyon ang halaga ng tulong ang kanilang naibigay na para sa non-food items, family food packs, at iba pang pangangailangang ng mga apektadong indibidwal.
Aniya na nailipat na rin ang mga lumikas na residente sa bayan ng Malilipot, Albay sa kanilang itinatag na ‘tent city’ sa tulong ng lokal na pamahalaan ng nasabing bayan.
Tiniyak din ni Laurio na mayroon silang sapat na pondo at mga food pack na maipapamahagi sa mga apektadong pamilya kung sakaling magtagal pa ang aktibidad ng bulkang Mayon.
Dagdag nito na nasimula na rin ang kanilang cash for work program para sa mga apektadong residente kung saan makakatanggap sila ng mahigit P12,000 para sa pagtatrabaho sa loob ng 30 araw.
Samantala, tiniyak din ng opisyal sa publiko na ang ahensya ay may sapat na pagkain at mga non-food items at handa silang tumulong sa anumang posibleng sakuna na maaaring tumama sa rehiyon.











