LEGAZPI CITY- Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may sapat na suplay ang ahensya para sa pagbibigay ng ayuda sa mga residenteng naapektohan ng pagsabog ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Marites Quismorio, Social Welfare Officer II at tagapagsalita ng Disaster Risk Reduction and Management Section (DRRMS) ng DSWD, partikular na naapektohan ng ashfall ang mga bayan ng Juban at Irosin.

Tinatayang nasa 1,674 na mga pamilya sa Juban ang apektado ng bumagsak na makakapal na abo habang hindi pa naman nagpapalabas ng bilang ang ibang mga bayan malapit sa bulkan.

Ayon kay Quismoro, wala pa naman na hinihinging ayuda sa ngayon ang mga LGUs subalit may nakahanda na silang nasa 25,000 na mga family food packs maliban pa sa mga food items.

Inaasahang agad na sisimulan ang pamamahagi ng mga ito oras na makatanggap na ng request mula sa mga apektadong LGUs.

Maliban sa food packs may mga tauhan na rin umano ang ahensya na nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangang residente.