LEGAZPI CITY – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol na may sapat na suplay ng family food packs ang ahensya kung sakaling may dumating na sama ng panahon sa gitna ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Social Welfare and Development Bicol Regional Director Norman Laurio, umaabot pa sa 100,000 ang stockpile ng family food packs sa apat na warehouse sa lalawigan ng Albay.
Hindi pa kasama rito ang mahigit din na 100,000 na stockpile ng family food packs sa iba’t-ibang lalawigan sa rehiyon.
Nangangahulugan ito na walang dapat na ikabahala dahil mayroong sapat na pang-ayuda sa mga posibleng maapektuhan kung sakaling may dumating na kalamidad tulad ng bagyo.
Ayon kay Laurio, una ng tiniyak ni Social Welfare secretary Rex Gatchalian na walang magugutom na mga apektadong residente habang nagpapatuloy ang abnormalidad ng bulkan.
Samantala, pumalo na sa P150 million ang kabuuang halaga ng naipamahaging tulong ng ahensya para sa Mayon evacuees.
Sa kasalukuyan, inalerto na ng tanggapan ang mga Municipal Action Team ng bawat lokal na pamahalaan bilang paghahanda sapinangangambahang sama ng panahon.