LEGAZPI CITY- Nagpapatuloy ang pagpapaabot ng tulong at asistensya para sa mga biktima ng pag-aalburuto ng bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development Bicol Director Norman Laurio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na una ng nakapaghatid ng nasa 20,000 family food packs sa mga naapektuhan ng ashfall noong nakalipas na mga araw.
Nadagdagan pa ito ng nasa 10,000 food packs na naitahid kahapon ng tanggapan sa ilang mga apektadong bayan.
Maliban dito ay namahagi rin ang tanggapan ng modular tents, hygiene kits, sleeping kits at iba pang non-food items.
Sa kabila nito ay siniguro ni Laurio na mayroon pang nasa 200,000 packs na naka preposition sa mga regional warehouse kaya walang dapat ipangamba ang publiko.
Aniya, sa tuwing maglalabas ng supply ang tanggapan ay agad naman itong nari-replenish ng central office.
Dahil dito ay siniguro ng opisyal na nakahanda umano ang ahensya sa iba pang kalamidad na posibleng tumama sa rehiyon.