LEGAZPI CITY- Nakapagpaabot na ng asistensya ang mga kinauukulan sa pamilya ng isang Mayon evacuee sa Tabaco City na binawian ng buhay.
Matatandaan na una ng nilinaw ng mga otoridad na may iniindang karamdaman ang naturang biktima at dati ng na-stroke kaya dinala ito sa pagamutan imbes na sa loob ng evacuation center.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development Bicol Director Norman Laurio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi matapos ang insidente ay agad nilang hinanap ang kaanak ng naturang biktima.
Nabatid na nagpaabot na ang tanggapan ng burial assistance at isinailalim sa Psychosocial Intervention ang naulila nitong pamilya.
Sinabi naman ng opisyal na kahit pa isolated case lamang ang insidente ay patuloy pa rin sila sa pagpapaabot ng tulong.
Samantala, tuloy tuloy naman ngayon ang pamamahagi ng tulong ng tanggapan sa iba pang mga Albayanong apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon.











