LEGAZPI CITY – Naihain na ang 16 na kaso ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office 5 laban sa mga indibidwal na nagsumite ng pekeng dokumento upang makatanggap ng ayuda mula sa ahensya.

Ang naturang mga kaso ay mula lamang sa Lungsod ng Legazpi.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Regional Director Leo Quintilla, nagduda ang mga empleyado na nagberipika ng mga dokumento dahil sa pare-parehong reseta at pirma sa medical certificate.

Sa isinagawa namang interview, hindi umano makapagsabi ng totoong dinaramdam na sakit ang indibidwal dahil hindi alam ang nakalagay sa mga hawak na dokumento.

Magsilbing-warning na rin umano ang nangyari ayon kay Quintilla sa iba pang magtatangkang manamantala, na mahaharap din sa kasong falsification of public documents.

Ang hakbang ay bilang proteksyon umano sa public resources ng gobyerno na nilalayong mapaabutan ng tulong ang lubhang nangangailangan.

Sa kabilang dako, pinasalamatan naman at pinuri ni Quintilla ang mga staff na naka-detect na peke ang mga nasa dokumento.