LEGAZPI CITY – Aabot na sa higit P19.3-million ang halaga ng mga naipamudmod na ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo sa rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD Bicol Director Arnel Garcia, ang naturang halaga ay kinabibilangan ng 26,166 food packs, 225 laminated sacks o trapal na kayang mag-accomodate ng hanggang 2,250 na kabahayan, 14,486 na malong at 300 sleeping kits.
Maliban pa rito, tuloy-tuloy rin ang pag-aalok ng food for work sa mga residenteng nais na tumulong sa paglilinis ng kanilang komunidad.
Tiniyak naman ni Garcia na sapat pa ang suplay ng tulong at aabot pa sa 50,000 ang stock pile ng food packs.
Sa katunayan may mga nakastandby nang food packs sa mga warehouse ng ahensya sa iba’t ibang bayan sa rehiyon bilang paghahanda sa mga posible pang kalamidad sa pagpasok ng Disyembre.