LEGAZPI CITY – Nagpa-alala ang Guinobatan Fire Station sa mga residente at sa mga magko-copra na mag-ingat sa sunog matapos ang industrial fire incident sa Purok 1 Barangay San Rafael.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay SFO4 Randy Rebua, Deputy Fire Marshal ng BFP Guinobatan sinabi nito na nakatanggap sila ng tawag dakong alas 8 ng gabi patungkol sa sunog.
Agad naman itong pinuntahan ng tanggapan sa pangunguna ni Chief of Operations SFO3 Herle Barrios at padating sa lugar nagsagawa ng scene size-up at firefighting operations.
Samantala lumabas sa imbestigasyon na napabayaan ng nagbabatay ang nakasalang na kopra sa drying pit o “agunan” kung kaya lumaki ang apoy at tuluyan ng nasunog.
Dagdag ni Rebua na nasa P7,000 ang estimated damage kung saan minimal lamang ang pinsala sa industrial fire at hindi na isinasabay ang mga kopra na nasunog.
Naideklara naman itong fire-out dakong alas 8:43 ng gabi sa tulong ng Guinobatan MDRRMO at stand by personnel ng Albay Electric Cooperative.
Ipinagpapasalamat naman na walang nasaktan sa insidente.
Matatandaan na ito na ang pangalawang sunog na naitala sa bayan ng Guinobatan ngayon 2nd quarter ng taon.