LEGAZPI CITY – Planong magtayo ng truck holding area o “dry port” ng Philippine Port Authority (PPA) sa Sorsogon na target pasimulan ngayong taon.
Kaugnay ito ng layon na maiwasan ang mahabang pila ng mga stranded na sasakyan na inaabot pa ng ilang kilometro sa Maharlika Highway, kung masama ang panahon o kulang ang bumibiyaheng barko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, patuloy pa ang negosasyon sa lokal na pamahalaan na palawakin pa ang 11 ektarya na inilaang lote at gawing 22 ektarya.
Sa gayon, hindi na magsisiksikan ang mga sasakyang maaantala ang biyahe habang mababawasan rin ang congestion sa pangunahing lansangan.
Maliban pa rito, nakikipag-ugnayan na rin sa local IT company sa pagdevelop ng electronic terminal management system sa pantalan.
Nakahalintulad umano ang konsepto nito sa pagsakay sa eroplano na online booking na magpapabilis sa proseso.
Nakapaloob na rin sa General Appropriations Act (GAA) ang pagtatayo ng complementary port na ilalagay sa Sta. Magdalena na magiging partner ng Matnog sa pagtanggap ng mga biyaherong patungo sa Visayas at Mindanao.
Kahit pa kasi umano may ibang pantalan sa Sorsogon kagaya ng Bulan at Castilla, pinipili pa rin ng karamihan sa Matnog dahil hindi masyadong mahirap ang ruta at mas mabilis ang biyahe.