LEGAZPI CITY- Ipinag-utos ni Governor Al Francis Bichara sa mga namamahala sa Albay Provincial Drug Rehabilitation and Treatment Facility sa Ligao City at Albay Astrodome na ihanda ang mga pasilidad sakaling tumaas pa ang nagpopositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa lalawigan.
Una nang itinalaga ang Ziga Memorial District Hospital sa Tabaco City at Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Daraga sa pagtanggap ng mga COVID-positive at persons under investigation (PUI).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Danny Garcia, tagapagsalita ng gobernador, inihahanda na ang nasabing pasilidad sakaling kulangin ang kapasidad ng dalawang ospital.
Inilipat na muna sa Boystown ang mga umookupa sa rehab facility.
Tiniyak ng gobernador na susustentuhan ang pang- araw araw na pangangailangan ng mga dadalhin sa pasilidad sa tulong ng lokal na pamahalaan kagaya ng mga PUIs sa Ibalong Centrum for Recreation (ICR) na itinalaga sa Legazpi.
May mga doktor, nurses at health workers rin sa mga pasilidad na titingin sa kondisyon ng mga ito.
Dagdag pa ni Garcia na ilalagay rin sa pasilidad ang mga naghihintay ng resulta ng swab samples upang maiiwas na sa pagka-expose ang iba.