LEGAZPI CITY – Nakatuon ang atensyon ngayon ng Legazpi City Engineering Office sa pagresolba sa malawakang pagbaha na naranasan sa business district sa mga nagdaang sama ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City Engr. Clemente Ibo, nililinisan ng team ang mga daanan ng tubig na tinitingnang malaki ang maitutulong sa problema.

Batay sa resulta ng isinagawang pag-aaral, nasa main drainage system at mga ilog ang problema.

Sa Bitano area na laging binabaha, napag-alaman na pinagtayuan ng mga istruktura at bahay ang drainage system na nakaapekto sa buhos ng tubig.

Nakiusap naman sa mga residente ang tanggapan at paunti-unti na umanong pinaalis ang mga nakakaharang sa drainage.

Naobserbahan na rin umano ang epekto ng hakbang dahil umabot na lamang sa hanggang sakong ang baha noong Bagyong Ulysses kung ihahambing sa mas mataas na lebel sa pagdaan ng Bagyong Rolly at Quinta.

Sa Vel-Amor na tinawag ni Ibo na “perennial catch basin”, bumaha pa rin dahil sa high tide.

Ipinagpapasalamat naman ni Ibo ang pagpapahiram ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng amphibious excavator na ginamit sa pagpapalaliom at paghukay sa Makabalo River.