LEGAZPI CITY- Hangad ngayon ng isang health reform advocate na magkaroon ng merit ang inihaing petisyon sa Korte Suprema na nagku-kwestyon sa constitutionality ng zero allocation ng pamahalaan sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa ilalim ng 2025 budget.

Ayon kay Dr. Thony Leachon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nais niya na mapabilang sa oral arguments sa darating na Abril.

Iginiit kasi ng opisyal na unconstitutional ang kawalan ng subsidiya sa state health insurer dahil paglabag ito sa SIN Tax law at Universal Healthcare Law.

Paliwanag nito na taun-taon na dapat na naglalaan ng pondo ang pamahalaan upang masiguro ang pagpapatupad ng packages ng Philhealth kasabay ng pagbabawas ng premium rate.

Dahil umano sa kawalan ng subsidiya ng pamahalaan ay mapagkakaitan ang mga indirect contributors habang naipapasa ang bigat sa mga direct contributors.

Samantala, kinuwestyon rin ni Leachon na hindi napag-aralan ang report ng Commission on Audit na simula taong 2021 hanggang 2023 na hindi na financially stable ang Philhealth.

Nilinaw rin nito na walang kinalaman sa politika ang timing ng paghahain niya ng petisyon kundi ginawa lamang ang hakbang para sa mga mamamayang Pilipino.