LEGAZPI CITY – Naghahanda na ang Philippine Ports Authority (PPA) sa dagsa ng mga biyahero sa Matnog Port sa Sorsogon ngayong papalapit na Semana Santa.
Kasunod ito ng pagbisita ni USEC Elmer Francisco Sarmiento ng Department of Transportation (DOTr) sa lalawigan upang pag-usapan ang tungkol sa Blue Lane Project para matuldukan na ang port congestion sa naturang pantalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Achilles Galindes, Acting Division Manager ng PPA Terminal Management Office, napag-usapan din ang mga plano kaugnay sa operasyon ng pag-iiskedyul sa mga barko at pagsunod sa tamang oras ng biyahe.
Sa ngayon tanging 11 lang sa 13 roro vessel ang bumabiyahe dahil nagkaroon ng preventive maintenance ang dalawang barko.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan na si Governor Boboy Hamor sa courterpart nito sa Masbate at iba pang shipping company na makapagdagdag sa ruta ng Matnog paputong Allen, Northern Samar.
Mahigpit din na inirerekomenda sa mga shipping company na sumunod sa approved sailing schedule upang makapag-generate ng tatlong po’t tatlo 33 na biyahe bawat araw.
Inamin ni Galindes na mabagal ang turnaround time ng mga barko kung kaya’t inaabot lang ng 24 hanggang 26 na biyahe kada araw na nagdudulot ng mahabang pila ng mga biyahero sa pantalan.
Tinatayang nasa 5,000 hanggang 7,000 na bilang ng mga biiyahero kada araw ang inaasahang dadagsa sa pantalan sa mga darating na araw, subalit mas mababa ito kumpara noong nakalipas na taon na umaabot sa higit 10,000.