LEGAZPI CITY – Namahagi ang Department of Science and Technology ng mga portable solar dryers para sa mga magsasaka sa Sorsogon.
Ayon kay Bong Noguera ang Provincial Director ng Department of Science and Technology Sorsogon, dalawang asosasyon ang naging benipisyaryo ng programa na nabigyan ng tig-walong portable solar dryers.
Nagkakahalaga ang bawat isa nito ng P35,000 subalit libre ng ibinigay ng ahensya.
Ayon kay Noguera, isang klase ng tray ang portable solar dryers na maaaring pagpatung-patongin at lagyan ng mga palay saka ibibilad sa ilalim ng sikat ng araw.
Malaki umano ang maitutulong nito para sa mga magsasaka dahil hindi na nangangailangan pa ng malaking espasyo at madali lang na maitago.
Layunin nito na magamit ang mga makabagong teknolohiya upang mapadali ang trabaho ng mga magsasaka.