LEGAZPI CITY- Kinumpirma ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na nagkakaroon na ng donor’s fatigue.
Ito ay pagkonti ng mga tulong at donasyon na dumarating na nagiging dahilan upang kumonti na rin ang pondo at maiipapamigay na mga relief goods sa residenteng apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng bulkang Mayon.
Ayon kay APSEMO head Dr. Cedric Daep sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa naging pag-uusap nila kasama ang mga Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs), osa sa mga napag-usapan ang mga hakbang na gagawin sakaling magkulang na talaga ang budget para sa mga isasagawang relief operations.
Tatlo umano ang classificattions o uri ng mga binibigyang tulong kaya mabilis na nauubos ang ang supply.
Una rito ay ang Mayon evacuees na mula sa 6km permanent danger zone (PDZ) na pinalikas at kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers; panagalawa ay ang economically displaced o dislocated o ang mga residente, partikular na ang mga magsasaka na hindi nakapagtatanim sa mga lupang sakahan na nasa loob ng 6km PDZ; at pangatlo ay ang Relocated but economically dislocated, ito naman ay ang mga residenteng inilipat na sa ibang mga lugar o binigyan na ng mga mapaglilipatan ngunit naiwan ang mga trabaho o hanapbuhay sa loob ng official PDZ.
Dahil dito, nanawagan ang opisyal na i-verify ang mga listahan ng Mayon evacuees upang malamang kung sino talaga ang mga apektado ng abnormalidad ng bulkan, at upang malaman ang mga maaaring gawing hakbang.
Ayon kay Daep, kaonti na lang ang natitirang supply sa warehouse at wala na ring dumarating na mga dagdag na mga donasyon, kung kaya’t nag-kakanya-kanya na ang mga Local Government Units upang makahanap ng mga mapagkukunan ng resources.
Dagdag pa ng opisyal kung pondo na lamang ng provincial government ang aasahan para sa llahat ng bayan ay posibleng umabot na lamang ito hanggang sa apat na araw.