DOH Bicol releases statement on Mulatto frontman Joey Bautista’s death linked to COVID-19

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Bicol ang pagkamatay ni Mulatto lead singer Joey Bautista dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa inilabas na pahayag ng DOH Bicol na pirmado ni Regional Director Dr. Ernie Vera, nilinaw nitong hindi taga-Bicol si Bautista habang agad aniyang nagsagawa ng pagsisiyasat nang kumalat sa social media ang impormasyon sa pagtungo nito sa Legazpi City noong Marso 11, 2020.

Ayon pa kay Vera, hindi tunay na pangalan ang ginagamit ng singer kaya’t nagkaroon ng malalimang pag-imbestiga dito.

Nag-match umano si Bautista sa PH 351 na 56-anyos na lalaki mula sa San Juan City na pumanaw noong Marso 19 dahil sa “septic shock secondary to community-acquired pneumonia.”

Noong Marso 14 rin umano ang pagsailalim nito sa test habang Marso 20 pa lumabas ang kumpirmasyon ng pagpositibo nito sa virus.

Giit pa ng kagawaran na naglalabas lamang ang mga ito ng impormasyon na bineripika at suportado ng mga documentary evidence.

Kumikilos na rin aniya ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit para sa contact tracing habang pinaabisuhan ang nakakasakop na lokal na pamahalaan para sa istriktong pagsunod sa home quarantine protocols ng mga nakasalamuha ni Bautista.

Matatandaang una nang kinumpirma ng asawa ng frontman na si Belinda Bagatsing ang pagpositibo ni Bautista sa naturang virus.