LEGAZPI CITY- Kumikilos na ang Department of Health (DOH) Bicol para sa information dissemination sa publiko kaugnay ng kumakalat na bagong strain ng coronavirus mula sa China.
Kasunod ito nang nakitang sintomas ng virus sa isang 5-anyos na batang Chinese sa Cebu City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DOH Bicol Regional Director Dr. Ernie Vera, naglabas na ng advirsory ang ahensya sa pag-iwas sa mga taong may sipon, ubo at lagnat na kabilang sa mga sintomas ng naturang sakit.
Hinimok rin nito ang lahat na ugaliing na maging malinis sa katawan at iwasan muna ang pagtungo sa mga lugar na may kaso ng virus.
Giit ni Vera na dapat na maging alerto at paigtingin ang surveillance sa mga pantalan at paliparan upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng sakit.
Nilinaw naman nitong wala pang naiuulat na kaso ng virus sa Bicol.