LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol na mula bukas magsisimula na ang pamamahagi ng second tranche ng tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) sa mga benepisyaryo na walang cash card.
Noong Hunyo 10 pa, nagsimula ang pamamahagi ng second tranche ng cash aid sa nasa 66, 580 Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) beneficiaries sa Albay na may P243 million cash allocation.
Inilahad ni DSWD Bicol Regional Director Arnel Garcia sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, may nakalaang pondo na aabot sa P15 million para sa nasa 4, 000 Pantawid beneficiaries na walang cash card.
Sakali namang hindi matapos bukas, tatapusin ito hanggang sa Sabado at Linggo ayon pa kay Garcia.
Target ng DSWD Bicol ang mabilis na pagsisilbi ng ayuda sa mga kababayan.
Samantala nagsagawa na rin ng orientation ang ahensya sa pamamahagi ng cash aid sa Legazpi City sa pangunguna ni Mayor Noel Rosal kahapon.
Katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsisilbing paymasters, napag-usapan na rin umano ang paghahati-hati sa mga lugar kasama ang DSWD Bicol.