Bulusan volcano

LEGAZPI CITY—In-activate na ngayon ng Sorsogon Philippine National Police ang kanilang Disaster Incident Management Task Group bilang paghahanda kung sakaling lumala ang sitwasyon ng Bulkang Bulusan matapos ang mga naitalang aktibidad nito nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay Sorsogon Police Provincial Office Public Information Officer Police Major Arwin Destacamento, sa panayam sa Bombo Radyo Legazpi, binubuo ito ng kanilang mga tauhan kung saan mayroon silang mga tungkulin lalo na ang kanilang response team.

Aniya nasa 190 tauhan ng PNP ang handang i-deploy bilang response team kung sakaling lumala ang sitwasyon ng bulkan.

Dagdag pa niya na ang nasabing mga tauhan ay itatalaga sa mga evacuation center at magbibigay ng tulong sa mga barangay sa paglikas ng mga residente, habangang ilan ay itinalaga rin para sa traffic management at security deployment.


Bukod pa rito, magkakaroon din ng mga ide-deploy sa mga border control point lalo na sa mga lugar sa loob 4-kilometer permanent danger zone ng bulkan.

Samantala, pinaalalahanan din ni Destacamento ang mga indibidwal sa loob ng 4-km na permanent danger zone ng bulkan na maging alerto at handa; nagbabala rin ang opisyal sa mga nais pumunta sa mga lugar na malapit sa bulkan na mag-ingat at kung maaari ay ipagpaliban ang kanilang biyahe lalo na kung hindi naman mahalaga upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente.