LEGAZPI CITY- Nagpahayag na rin ng suporta ang Diocese of Legazpi sa naging inisyatiba ni Archbishop Sócrates Villegas na nananawagan ng panalangin para sa kapayapaan sa West Philippine Sea.
Ayon kay Bishop Joel Baylon ng Diocese of Legazpi sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nanawagan sila ng indibidwal na panalangin ng mga deboto upang humupa na ang tensyon sa naturang pinag-aagawan na teritoryo.
Nagkakaroon rin ngayon ng individual rosary campaign para sa panalangan ng ‘peaceful resolution’ sa kinakaharap ng bansa na banta sa soberanya.
Maliban dito ay hinikayat rin ang mga pari sa diocese na magsagawa ng mass for peace sa kanilang mga misa ngayong Linggo.
Aniya kinakailangan ng pagkakaisa ng mga deboto upang malutasan ang mga suliranin sa seguridad na kinakaharap ng bansa.
Iginiit ni Bishop Baylon na hindi kayang lutasin ang lahat ng problemang kinakaharap sa kasalukuyan kaya kinakailangan na ng tulong mula sa Panginoon.
Dagdag pa nito na umaasa sila na sa pamamagitan ng pagkakaisa ng bawat isa sa panalangin ay magkakaroon ng peaceful resolution sa isyu sa West Philippine Sea.