LEGAZPI CITY – Nakiisa ang Diocese of Legazpi sa mga panawagan na sumunod sa mga ipinapatupad na guidelines laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa pahayag ni Bishop Joel Baylon, hinikayat nito ang publiko sa pag-obserba ng 3Ps (Prayer, Precautions and do not Panic) sa pagharap sa pandemic.
Ayon kay Baylon, magkaugnay na salita ang quaresma at quarantine kaya’t ang 14-day quarantine ay palawigin sa 40-day na ayuno na panahon rin ng pananalangin at reflection kasabay pag-Oratio Imperata para sa proteksyon at intervention.
Pagkakaisa sa pananalangin ang hiling ni Baylon upang makahanap na ang mga siyentista at eksperto ng gamot sa paglaban sa COVID-19 habang competence para sa mga opisyal na humahawak ng medical emergency.
Dapat rin aniyang maintindihan ang pagsunod sa ilang kautusan na alisin na muna ang tubig sa holy water fonts at pintuan ng simbahan imbes palitan ng alcohol, pag-disinfect sa mga lugar sa simbahan, microphone covers at i-sanitize ang ciboria, cruets at liturgical vessels.
Kamay rin ang gagamitin sa communion, iwasan ang paghahawak-kamay sa Lord’s Prayer, paghalik sa mga santo at kung maysakit ay huwag na lang magsimba.
May radio, TV o social media naman para sa misa at iba pang updates sa national at local government.
Giit rin nitong imbes na mag-panic, mag-isip at umaksyon ng tama sa pandemic.