LEGAZPI CITY-Muling tataas ang presyo ng produktong petrolyo lalo na sa diesel sa susunod na Linggo bunsod pa rin ng epekto ng giyera sa Middle East.

Batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) trading, posibleng tumaas ang presyo ng diesel ng P11-P12 sa kada litro.

Dahil dito, maaaring umabot na sa pagitan ng P118-P146.3 kada litro ang presyo ng diesel.

Sa kasalukuyang linggo simula Marso 24 hanggang 30, nasa P107-P134.30 kada litro ang diesel matapos ang P15 hanggang P18 na dagdag-presyo.

Sa premium diesel, maaari itong umabot sa P125-P156 kada litro mula sa kasalukuyang P115-P144 kada litro.

Ang presyo naman ng gasolina ay posibleng walang pagbabago o tumaas ng P3 kada litro at magiging P115.4 kada litro ang presyo nito sa kasalukuyan.

Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sapat ang suplay ng langis sa bansa at magtatagal ito hanggang Hunyo 30, 2026.

Matatandaan rin na idineklara ng Pangulo ang state of national energy emergency noong Marso 24 dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.