LEGAZPI CITY—Pinangunahan ni Department of Education Secretary Sonny Angara ang inauguration at blessing ng kauna-unahang Alternative Learning System Community Learning Center sa rehiyon ng Bicol na ginanap sa Tabaco National High School sa Tabaco City.
Ayon kay Schools Division Office Albay Spokesperson Froilan Tena, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang rehiyon ng Bicol ay isa sa mga nabigyan ng nasabing learning center kung saan dito nag-aaral ang mga senior high school students na bahagi ng Alternative Learning System.
Aniya ang implementasyon ng pasilidad ay batay sa Republic Act No. 11510 o An Act Institutionalizing the Alternative Learning System in Basic Education.
Bukod sa inagurasyon, inilunsad din ang DepEd EdukAhon kung saan may mga nakalagay sa isang kahon na mga school supplies na kailangan ng mga mag-aaral, habang mayroon din para sa mga gurong may mga nakalagay na laptop at iba pang kagamitang panturo sa paaralan.
Ayon sa kanya, ang pilosopiya ng hakbang ay dahil sa ang rehiyon ay laging tinatamaan ng mga kalamidad kaya naging konsepto ng ahensya ang EdukAhon upang maipagpatuloy ng mga kabataan ang kanilang pag-aaral.
Dagdag pa ni Tena, nagpapasalamat si DepEd Secretary Angara sa mga guro na patuloy na tumutupad sa kanilang sinumpaang responsibilidad para sa mga kabataan sa kabila ng kahirapan na kanilang kinakaharap.