LEGAZPI CITY- Pinabulaanan ng Department of Education (DepEd) ang pahayag ng isang grupo na inoobliga ang mga guro na magtungo sa mga barangay upang makapag-enrol at maabot ang quota.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DepEd Bicol Director Gilbert Sadsad, tahasang sinabi nito na walang katotohanan ang akusasyon dahil pinangangalagaan umano ng ahensya ang seguridad ng mga guro na inabisuhang manatili na lamang sa mga bahay dahil sa banta ng coronavirus disease.
Ayon pa kay Sadsad, naglabas na rin ng memorandum na nag-uutos sa mga opisyal ng DepEd na huwag obligahin ang mga guro na mag-ikot sa mga barangay.
Aminado ang opisyal na may ibang mga guro na kusang nagtutungo sa mga bahay ng kanilang mga mag-aarl upang matulungan ang mga ito na makapag-enroll lalo na kung hindi marunong sa online enrollment.
Hinikayat naman ng opisyal ang mga magulang na ipa-enroll ang kanilang mga anak para sa pasukan sa Agosto 24 para sa School Year 2020-2021 kung saan ipatutupad ang blended learning.
Nabatid na umabot na rin sa kabuuang 1,154,000 bilang ng mga estudyanteng nakapag-enroll na sa mga paaralan sa Bicol.