LEGAZPI CITY – Nadagdagan pa ang numero ng mga estuyanteng nakapag-enroll na sa Bicol ilang araw bago ang nakatakdang pag-uumpisa ng School Year 2024-2025 sa lunes July 29.
Base sa Learners Information System (LIS) Enrollment Quick Count ng Department of Education (DepEd) Bicol ngayong Huwebes, July 25, pumalo na sa mahigit isang milyon ang total enrollment kasama na ang datos sa sa Alternative Learning System (ALS) na 21,525 at State and Local Universities and Colleges na 1,039 at private na 89,710 habang 931,626 ay mula sa public.
Mula sa 1,043,900 mayroong 527,238 na mga kalalakihan at 516,662 naman ay mga babae na nakapag-enroll na galing ang mga ito sa 4,467 na mga paaralan sa anim na probinsya ng Bicol.
Nananatiling probinsya ang Camarines Sur ang may pinakamaraming enrollees na umabot na sa 218,848, pangalawa ang Albay na mayroong 159,532, pangatlo ang Camarines Norte na mayroong 133,981, Sorsogon na mayroong 115,470, Masbate na mayroong 108,963 at 60,070 naman ay mula sa Catanduanes.
Matatandaan na ang dating enrollment sa School Year 2023-2024 ay umabot sa mahigit 1.7 milyon.
Samantala nagpapatuloy parin ang enrollment process maging sa mga late enrollees kung saan patuloy ang paalala ng Deped sa mga magulang at mga estudyante na pumunta na sa kani-kanilang mga paaralan.