LEGAZPI CITY – Nakaabang na ang mga ipamimigay na cash incentives ng Department of Education Bicol para sa mga atletang makakapag-uwi ng mga medalya sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2023.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Education Bicol Regional Director Gilbert Sadsad, nasa P20,000 na insentibo ang naghihintay sa mga mananalo ng gold medal.
Habang P5,000 naman sa makakakuha ng silver medal at P3,000 para sa bronze medal.
Ayon kay Sadsad, naghanap talaga ng paraan ang tanggapan upang makapagbigay ng reward sa mga atletang makakapag-uwi ng karangalan sa rehiyon.
Mula ang naturang ipamimigay na cash incentives sa inilunsad na fun run ng tanggapan at sa tulong na rin ng mga stakeholders.
Nilalayon ng hakbang na mas pag-igihan pa ng mga atleta na manalo ng mga medalya sa naturang torneo.
Sa unang araw ng Palarong Pambansa 2023, nakasungkit ng tatlong gold medal ang Bicol, anim na silver at isang bronze medal.