LEGAZPI CITY—Patuloy na nagsasagawa ng damage assessment ang Department of Education (DepEd) Albay sa mga paaralan sa probinsya matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan.

Ayon kay Schools Division Office Albay Disaster Risk Reduction and Management Coordinator Alvin Cuz, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, batay sa kanilang pinakahuling datos na mula sa 353 paaralan, ang mga naitalang minor damaged classrooms ay umabot sa 1,455; 493 major damaged classrooms; at 253 totally damaged classrooms.

Gayunpaman, binigyang-diin ng opisyal na ang datos ay subject to validation pa ng ahensya.

Umabot din aniya sa 38,000 ang affected learners at mahigit 2,000 ang affected DepEd personnel.

Gayundin, umabot sa 237 ang pinsalang dulot sa hand-washing facilities sa mga paaralan; mahigit 18,000 ang damaged learning resources; 377 ang naitalang damaged sa computers, at 10,000 sa school furniture.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa rin umano nila ang ibang mga paaralan na magsumite ng kanilang mga ulat tungkol sa pinsalang naitala sa naturang bagyo.