LEGAZPI CITY – Naghahanda na ang Department of Agriculture para sa pagbibigay ng tulong sa mga magsasakang posibleng maapektuhan ang kabuhayan ng La Niña.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lovella Guarin ang tagapagsalita ng Department of Agriculture Bicol, base sa naging abiso ng weather state bureau, inaasahan ang pagdating ng malalakas na pag-ulan at mga bagyo ngayong buwan ng Agosto hanggang sa pagtatapos na ng taon.
Dahil dito, ngayon pa lamang ay sinimulan na ng ahensya ang pamamahagi ng mga hybrid na binhi ng palay na kayang mabuhay kahit pa sa panahon ng tag-ulan.
Nagbibigay rin ang Department of Agriculture ng discount vouchers na nagkakahalaga ng P3,400 para sa pambili ng fertilizers sa mga accredited na tindahan.
Pinapayohan ng opisyal ang mga magsasaka na simulan na ang pagtatanim ngayong Hunyo upang hindi na abutan pa ng tag-ulan sa mga susunod na buwan.