LEGAZPI CITY- Masayang ibinahagi ng Department of Agriculture Bicol na naging mabunga ang isinagawang conference patungkol sa dairy cattle industry sa rehiyong Bicol.

Ayon sa tagapagsalita ng tanggapan na si Lovella Guarin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na layunin nito na mas mapalakas pa ang dairy production sa rehiyon sa tulong ng mga cattle raisers.

Nabatid kasi na malaking pondo ang inilaan sa programa mula sa World Bank Loan kung saan nasa P50 million ang posibleng makuha ng mga clustered farmers association.

Target kasi ng Department of Agriculture Bicol na maging business model ang rehiyon para sa inaasam na pagkakaroon ng malaking milk industry mula sa dairy.

Paliwanag ni Guarin na nasa 98% kasi ng gatas sa Pilipinas ay pawang imported at 2% lamang ang mula sa local production kaya nais nilang magkaroon ng sariling dairy industry.

Dagdag pa ng opisyal na magkakaroon rin ng mga eksperto na tututok sa pagpaparami ng lahi ng mga dairy cattle upang maisakatuparan an naturang plano.