dengue cases
dengue cases

LEGAZPI CITY-Umabot sa 169 ang bilang ng mga kaso ng Dengue sa Tabaco City mula Enero hanggang ika-11 ng Setyembre ngayong taon.

Ayon sa pahayag ni Dr. Leizel Cuales-Duncan, ang Officer-in-Charge ng Tabaco City Health Office, mayroong 13 kaso ng Dengue noong Enero, 13 noong Pebrero, tig-anim na kaso noong Marso at Abril, 9 na kaso noong Mayo, 14 na kaso noong Hunyo, 39 noong Hulyo, habang 56 na kaso naman noong Agosto at 16 na kaso noong Setyembre.

Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga kaso sa lungsod, kaya ipagpapatuloy nila ang kanilang mga hakbang at kampanya sa paglilinis ngayong buwan.

Kabilang sa mga “hotspot” o lugar na may pinakamataas na bilang ng kaso ang mga sumusunod na barangay:
Barangay San Lorenzo, 16 na kaso (Purok 5, may 5 kaso);
Barangay San Vicente, 9 na kaso (Purok 3, may 7 kaso);
Barangay San Ramon, 9 na kaso (Purok 6, may 5 kaso).

Isinasagawa rin ang imbestigasyon sa mga kaso at mga fogging operation sa mga lugar na may pinakamataas na bilang ng kaso ng Dengue.

Nagbabala rin si Dr. Cuales-Duncan na hindi lamang mga bata ang naaapektuhan ng Dengue, kundi pati na rin ang mga nasa hustong gulang.

Sa katunayan, isang guwardiya ang iniulat na namatay umano noong nakaraang linggo dahil sa Dengue sa Legazpi City.

Ipinaalala ng opisyal ang kahalagahan ng pagsasagawa ng “4S” tuwing alas-kuwatro ng hapon sa mga opisina at tahanan.

Tinatalakay na rin ang posibilidad na tapusin ang klase nang mas maaga, sa ganap na alas-tres ng hapon.