LEGAZPI CITY- Labis na ipinagpapasalamat ng mga taga-Catanduanes ang pagpirma na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa RA 11700 na nagdedeklara sa lalawigan bilang abaca capital of the Philippines.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) Catanduanes Provincial Fiber Officer Roberto Lusuegro, malaki ang maitutulong ng nasabing deklarasyon upang mas mabigyan ng atensyon ang mga isinusulong na programa ng lokal na gobyerno para sa produksyon ng abaca.

Inaasahan ng opisyal na mas mabibigyan pansin na ngayon ang matagal ng isinusulong na planong paglalagay ng provincial food bank ,rehalibitasyon sa mga nasirang abaca, pagpapatayo ng nursery at dagdag na mga makinarya para sa nasabing produkto.

Tinataya rin na mahigit sa 5,000 mga abaca farmers sa lalawigan ang makikinabang dito at matutulungan upang mas mapasigla pa ang industriya.

Target ng Catanduanes na muling maabot an 33,000 metric tons na produksyon ng abaca sa bawat taon.