LEGAZPI CITY – Nagpalabas na ng decampment order ang alkalde ng bayan ng Sto. Domingo, Albay para pauwiin na ang Mayon evacuees na nakatira sa 7km-8km extended danger zone.

Ito’y matapos na matanggap ng opisina ni Sto. Domingo Mayor Jun Aguas ang sulat mula kay Albay Governor Grex Lagman, kaugnay ng isyu sa pagpapalikas sa mga residenteng nakatira sa labas ng 6KM permanent danger zone.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engr. Edgar Balidoy, tagapagsalit ng Incident Management Team ng Sto Domingo, Albay, dinipensahan nito ang ginawang pagpapalikas sa naturang mga residente.

Aniya, historical-based ang sinunod nila, dahil base sa mga nagdaang pag-aalburuto at pagputok ng bulkang Mayon, partikular na ang 1897 eruption kung saan nakarating ang Pyroclastic Flow maging sa sentro ng bayan na nasa 7-8 km extended danger zone na.

Kaugnay nito, ikinalungkot ng opisyal ang naging sulat, lalo pa’t may mga residente nang nagpatayo na ng temporary shelters para lang masigurong ligtas sa mga aktibidad nitong bulkan.

Dagdag pa ni Balidoy, mas iniisip nila ang kaligtasan ng mga residente kaysa sa problema sa resources.

Gayunpaman, dahil aniya utos ito mula sa gobernador, ay susunod sila.

Samantala, nilinaw naman ng opisyal na hindi sapilitan itong pagpapauwi sa mga residente, dahil naiintindihan aniya nila ang pinanggalingan ng mga residente na takot sa sitwasyon.

Ngunit, dahil hindi na ‘official evacuees’ na maituturing itong mga residente ay hindi na makatatanggap ng relief goods.

Pagsisiguro na lamang ng opisyal na ipagpapatuloy pa rin nila ang monitoring at iba pang mga tulong sa mga naturang grupo ng mga evacuees.