Photo by Mayor Caloy Baldo

LEGAZPI CITY—Matapos na ibaba sa Alert Level 2 status ang Bulkang Mayon, nakatakdang mag-decamp na bukas ng Huwebes, Agosto 6, ang nasa 200 na pamilya na nanatili sa mga evacuation center sa bayan ng Camalig, Albay.

Ayon kay Camalig Mayor Caloy Baldo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kasama sa ide-decamp ang mga evacuees mula sa Barangay Quirangay at Barangay Anoling ng naturang bayan.

Aniya na bago ang decampent ay uunahin muna ang pag-disinfect sa mga pasilidad na ginamiit ng mga evacuees upang malinis itong magamit ng mga estudyante.

Maliban dito, posible rin na magbahagi ang lokal na pamahalaan ng Camalig ng food packs sa mga residente bago umuwi sa kanilang mga bahay.

Sa kabila ng pagbaba ng alerto ng bulkan, muling nagbabala ang alkalde sa mamamayan na maging mapagmatyag sa estado nito at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.

Matatandaang nasa halos pitong buwan nang nananatil sa mga evacuation centers ang mga apektadong residente matapos na itaas sa Alert Level 3 ang bulkan noong Enero 2026.