LEGAZPI CITY- Pinuri ng isang FIBA Commissioner ang magandang performance ng Gilas Pilipinas laban sa world numer 6 na Latvia.
Ayon kay FIBA Commissioner at International Referee Emmanuel Paraon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na malaking factor sa 89-80 win ng Gilas ang magandang ball rotation at chemistry ng mga player.
Matatandaan isa si Paraon sa naging referee sa friendly game ng Gilas sa Taiwan Mustang noong nakalipas na linggo kaya naobserbahan umano niya ang mabilis na maturity ng mga player lalo na si Kai Sotto at Justin Brownlee.
Dagdag pa nito na maraming play at sistema ang nakita sa paghaharap ng Gilas at Latvia kung saan halos lahat ng players ay nabigyan ng pagkakataon na makapag ambang sa koponan.
Malayo umano ito sa nakalipas na World Cup na sa isang player lamang naka-focus kaya madaling nababantayan ng mga kalaban.
Samantala, naniniwala si Paraon na mula sa pagiging underdog ay posibleng ituring na ng ibang koponan ang Gilas bilang team to beat dahil sa panalo sa powerhouse na Latvia.
Paliwanag nito na posibleng na-scout na ng ibang koponan ang diskarte ng Pilipinas kaya babantayan na ng susunod na makakalaban.
Subalit kumpiyansa ito na muling iibahin ni Coach Tim Cone ang sistema at diskarte nito.