Inihayag ng abogado ni dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez na binigyan umano ng House of Representatives ng clearance ang mambabatas upang maka-biyahe sa Singapore.
Matatandaan na sa isang video, sinabi ni Romualdez na bibiyahe siya sa Singapore mula noong April 20 hanggang May 4 para sa follow-up checkup matapos ang angioplasty at tiniyak niyang babalik siya sa bansa.
Salungat ito sa mga naging pahayag ng Office of the Ombudsman na hindi umano pinaburan ang travel request ni Romualdez.
Matatandaan na sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na si Romualdez ay nasa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y flood control scandal.
Ani Remulla sa isang pahayag, na posibleng hindi na bumalik ang mambabatas.
Sa naging pahayag naman ni Romualdez ay sinabi nito na nananatili siyang handa para sa tungkulin sa Kongreso.
Matatandaan rin na binasag na ng dating House Speaker ang pananahimik nito hinggil sa pagkaka ugnay sa kontrobersiya sa paggamit ng pondo, at sinabing hindi siya papayag na maging ‘scapegoat.’











