LEGAZPI CITY- Pinabulaanan ni dating ACT Teachers Representative France Castro ang mga alegasyon na kabilang siya sa mga tumanggap ng male-maletang pera.
Ito matapos masangkot ang pangalan ng dating mambabatas sa naging expose ng nagpakilalang mga dating marines.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Castro, tinawag nito na paninira lamang ang mga alegasyon at bahagi umano ng political tactics ng mga Duterte at mga tagasuporta nito.
Kinuwestyon rin ng dating mambabatas ang timing ng naturang mga alegasyon na sumunod umano sa pag-anunsyo ni Vice President Sara Duterte ng pagtakbo sa 2028 elections at sa gitna ng kinakaharap nitong impeachment, gayundin ang kasalukuyang confirmation of charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tila bahagi umano ito ng diversionary tactics ng mga Duterte upang matakpan ang ilang mabibigat na isyu.
Samantala, sinabi ni Castro na pinag-aaralan nila kung posibleng magsampa ng kaso laban sa mga nagpakilalang marines na nag-aakusa sa kanila ng pagtanggap ng malaking halaga ng pera.











